___________PUYAT JUICE___________

___________PUYAT JUICE___________
_MANKIND'S GREATEST DISCOVERY!_
---- Java, Jamoke, Murk, A Shot, A Shot In The Arm, or plainly Joe.... However and whatever you might want to call it.... For me it will always stay as my Puyat Juice...!

Sunday, September 14, 2008

Award from Mari....


Hallu all....! Nandito na naman po ulit si ako nanggugulo he-he....! Bago ko rin pala makalimutan, this award was from Mari, given to me a very long long time ago pero ngayon lang ulit ako nagka-chance na i-post to dito.... Baka sabihin tuloy ni Mari na kinalimutan ko na ang pag-post nito dito he-he....! As usual, busy pa rin po ako gaya ng dati.... Medyo nadagdagan kasi ang mga duties and commitments ko sa everydaily life ko ngayon.... My real world seem to have been falling on me like a ton of bricks lately, mostly in a good way naman but it was also almost demanding for my fullest attention too, pero hindi ko pa rin pwedeng iwanan tong blog-word kasi in a way ay natutuwa pa rin ako at nagpapasalamat na naging bahagi ako dito at nagkarun pa ng madaming mga amazing good friends....


It's been quite sometime since i've decided to start blogging, gaano na ba katagal yun....? Mga tatlong taon na yata di ba....? I've started as a sobrang malupit na magpupuyat para magsulat ng mga entries na kahit medyo nakakalimutan na ang kumain, matulog at gumamit ng toilet paminsanminsan ay matibay pa rin at malagkit ang pagkaupo sa harap ng computer para magpipipindot sa keyboard at tapusin ang mga walang kamatayang drama sa buhay ni Pepe at ng adbentyors nya sa downunder.... Pero ngayon, medyo kinakapos palagi sa oras kaya slowdown muna pansamantala si astig.... =D


Madaming mga nabago at naging pagbabago marahil dala na rin to ng mga malalakas na dampi ng hangin sa ating mga mukha o ba't ka nagtatakip ng ilong dyan....! Hindi yung hangin na yun ang ibig kong sabihin, 'kaw talaga....! Wat i mean po ay ang mga pagsubok na lahat naman yata tayo ay meron nito di ba, magkaibang level nga lang siguro ng difficulties for each and every individuals.... At kung wala ka namang problema sa buhay dyan ay siguradong hindi ka taga dito sa earth ano....! Check mo baka sakaling kamaganak mo pala si Superman from planet Krypton tsong ha-ha....! Oi, naalala ko tuloy one time nung pumasok ako minsan sa isang store ng Toys R Us sa sydney.... Nabasa ko dun sa isang Superman outfit na pambata na may nakasulat dun sa tag nya sa likod ng damit sabi dun, "WARNING: Wearing of This Garment Does Not Enable You to Fly".... Naisip ko lang, ano naman kaya ang nakasulat dun sa Little Mermaid outfit....? Baka ganito, "WARNING: Don't Wear This Garment in a Japanese Sushi Restaurant or You'll be Sorry" matingnan nga kung tama ang hinala ko next time ha-ha....!


Pero obviously, sa tinagaltagal ng pagbu-blogging ko rito ay iisa lang yata ang hindi nagbago, walang iba kundi itong walang kupas na layout ng blog ko na minsan kahit ako ay sawang-sawa na rin tingnan to....! =D Yun pa kasi isa kung problema, madali akong makuntento.... Example na lang, pagkumakain sa parties or any gatherings, kung yung iba ay halos tambakan ng tambakan ng pagkain at paghaluhaluin ang mga to sa plato nila na parang kaning baboy para lang matikman ang lahat ng putaheng nakahain sa table, ako naman ay kukuha at babalikbalik lang para sa dalawang o tatlong particular na dishes na kilala ko na ang lasa at yun kuntento na ako dun.... Pero ba't nga pala napunta sa kainan tong usapan natin....? Oo nga, ba't nga ba....? Nakalimutan ko na rin tuloy ang puto.... pwe! pwe! punto ko pala dito he-he....!


Ang gusto ko lang naman sanang ipaabot sa lahat hanggang sa kayang maabot nitong maikling drama ko na'to na kahit medyo hindi ako masyadong nakakasama nyo dito ng madalas ay nandito pa rin naman po ako pasilipsilip at pabasabasa lang sa mga messages nyo at wala pang balak na tumigil at kahit itakwil nyo man tong kaastigan kong to ngayon ay kakapit at kakapit pa rin ako ng mahigpit sa mga maskulado at mabalahibo nyong mga binti por gad seyk hab mirsi on mi hu-hu....! Tindi ng drama mo dyan Peng....! At sana po ay patuloy pa rin kayong magtatyagang bumisita dito kahit na naging medyo boring na ako lately he-he....! Promise ko naman na sasagutin mga iniwanan nyong mga pagbati at comments abutin man ako ng limang taon sa pagsagot sa lahat ng mga yun ay gagawin ko alang-alang sa ating ispesyal prensyeps doon.... And lastly, thank you ulit Mari for this very very nice award, wala na akong utang sa'yo ha, goodie weekend all....! Yun lang po he-he....! Okay na, pwede na naman akong maglakwacha ng isang linggo wooohooo....! Ingatz all....! =D

Tuesday, August 26, 2008

Utak popcorn ka ba....?

Ikaw ba ay taong mahilig tumawag, sumagot at magpipipindot ng cellphone mo minuminuto araw-araw....? Palaging nalilipasan ng gutom, hindi makatulog, napapraning at naglalaba ng mga damit sa alas tres ng madaling araw dahil naubusan na ng oras para sa ibang bagay sa kapipindot at kati-text buong maghapon....? Kung na sa'yo ang lahat ng mga katangiang nabanggit dito ay sa palagay ko dapat ka ngang masindak ngayon to the bulate pagkatapos mong panoorin tong maikling short clip na to.... Tama ba yun, maikli na short clip pa....?


Isipin mo na lang na ang utak mo ngayon ay isang malaking supot na punong-puno ng popcorn kernels.... Okay, ngayon nai-imagine mo na ba kung paano magsisiputukan at magsitalunan ang mga popcorn sa loob ng kukote mo sa oras na sinagot mo ang tawag ng best frens mo doon sa maliit mong laruan na yan....? A close friend of mine sent this clip to me weeks ago, at hanggang ngayon ay medyo hindi pa rin ako convinced sa katutuhanan ng stunts na to.... Kayo na lang po ang bahalang maghusga kung tutuo nga kaya to....?



Halimbawang tutuo nga talaga to, ay wala pa rin pala tayong ligtas dito dahil kahit tumigil o maging moderate man ang paggamit natin ng sarili nating cell phones ay sa dinamidami at bilyon-bilyon ba namang mga may cellulars sa buong mundo ay wala pa rin pala tayong ligtas sa harmful effects na kayang gawin nito sa katawan natin.... Dahil sa ayaw man o sa gusto natin ay considered as a passive-cell phone user pa rin pala tayo dahil sa napapaligiran pa rin tayo ng mga gumagamit ng kanikanilang mga cell phones na ibig sabihin ay nasasagap pa rin natin ang pinsalang dulot nito involuntarily ng wala tayong kaalam-alam....!


Sa weekend balak din naming subukan to sa work out of curiosity lang ha-ha....! Wag lang sana makalimutan nung magdadala ang supot ng popcorn kernels ha-ha....! Ang nagagawa nga naman ng technology ano po....?! Napaka-ironic lang isipin kasi technology is supposed to make our lives easier sana di ba, pero sa kabila pala nun ay ito rin ang dahandahang pumipinsala at pumapatay sa'tin ng walang kalabanlaban.... Pero teka lang break muna sandali, naisip ko lang kasi.... Ano kayang flavour ng popcorn tong utak ko ngayon....? Sana NACHO lang, takam....! Ikaw, anong flavour ba meron ang utak mo tsong....?! * toinks! * =D

Sunday, August 24, 2008

Nagkasakit rin si astig....

Gara nyang nasa piturs dyan sa gilid.... Ano kaya pwedeng itawag dyan....? Napulot ko lang yan sa web kanina nung naghahanap ako ng magandang litrato para sa entry na to.... Siguro tawag dyan, SINGA-BRERO kasi gamit pansinga ng sipon he-he....! Pinuputol kaya ang tissue paper pagkagamit o muling binabalik sa roll yakh....! May sakit po ako ngayon, flu, pero hindi bird-flu to kasi para sa mga ibon lang yata yun at hindi sa mga unggoy.... Tagal ko nang hindi nagkasakit ng ganito kalala, mga four years na yata until nung last thursday ang araw na ipinanganak ang virus na makakatapat ko.... At ang lakas nya pala, bagsak kaagad ako isang zap lang ng super powers nya....! =D


Pero medyo okay na ako ngayon kumpara kahapon na para akong nalulunod sa sarili kong likido sa katawan na sisinghap-singhap at habol pa ang paghinga.... Nakatuwaan ko pang bilangin ang pagbahing ko buong araw kahapon....! I did 71 sneezes the whole day yesterday.... Na-break ko kaya ang current world record....? Oi, alam nyo ba, The reason we say "God Bless You" to someone after they sneeze, is because a long time ago nung kapanahunan pa ng lolo't lola ko, people thought that a sneeze was demonic BWAHAHAHA....! So if "God blesses you", the demon will leave your body, until your next sneeze of course at hindi ka na kailangan pang litsonin na kagaya nung palagi mong pinapanood sa tv about witchcrafts, kung san sinusunog ang mga evil person dati kasi napakagastos sa panggatong yun ha, kaya lang huli na yata nila na-realise he-he....!


Anyways, alam ko dala lang to ng panahon at ng bagong mga routines ko ngayon.... Wala na kasi ako halos time na magpahinga dahil talagang napaka-busy ng mga schedules ko ngayon alam nyo na.... Gusto ko kasing makapag-ipon for christmas day, kunting panglakwacha.... And because flexible naman ang time namin sa trabaho, naisipan kong dagdagan pa ng kunti ang kayod ko by coming to work as early as i can, as early as 5:30 AM yan ha, tapos magu-over time pa rin ako ng dagdag sa hapon just to earn some extra cash na hindi ko naman gawaing maging ganito kagahaman nun kaya eto ako ngayon.... Buti nga sa'yo, sakim ka kasi....! SAKIMMMM....! Kamukha ko na tuloy si Ronald McDonald ngayon na mapula rin ang ilong ko he-he....!


Hopefully, magaling na ako bukas dahil monday, balik trabaho na naman.... Hindi pwedeng mag-absent ako ano, masisira ang mga plano ko dahil lang sa isang simpleng sipon at ubo, no way....! Alam ko masasanay rin ako dito.... Sabi nga nila, " What cannot kill you, makes you stronger " daw, tama ba yan....? Anyways, tingnan natin bukas kung may ibubuga pa si pareng Pepe.... Para naman sa lahat, mag-ingat po tayo sa trangkaso kasi napakamahal pa naman ng mga bilihin ngayon.... Okay lang sana kung nadadala pa sa patapal-tapal lang ang sakit nyo dyan.... Ano yun, vulcanizing shop na pwedeng tapal lang oks na....! Nowadays kasi, prevention is far more cheaper than the cure kaya ingatz lang po sa sakit.... Wag na wag nyo akong tularan, wag maging sakim para hindi magkasakit he-he....! Oki-doki....?! =D

Monday, August 11, 2008

The day i met Kneeko....

I can't hardly wait to post this entry here, excited akong i-share to sa inyo guys....! Last monday kasi, i've met a fellow blogger na nun ay palaging bumibisita lang dito sa blog ko but this time ay nagkita talaga kami in flesh wooohooo....! The person i'm talking about ay si Kneeko po.... Nun pa sana kami dapat nag-meet nung bagong dating sya dito nung last year, kaya lang hind ko talaga magawang takasan ang mga schedules ko sa trabaho, but this time ay ninakaw ko na talaga ang ilang oras just to meet him nung monday evening....!

That's Kneeko there at the far right, yung naka green shirt, hindi ko na kilala ang ibang mga nandyan.... I hope you wouldn't mind na ninakaw ko tong photo mo from your blog pre.... First offense ko pa lang to kaya sana pagbigyan he-he....! =D


He was working in Saudi Arabia before he came to Sydney, Australia.... Hindi ako sigurado pero natatandaan ko lang yan dun sa mga nabasa ko sa blog nya nun.... He got married to a sydney woman months ago kaya nandito na sya ngayon ha-ha....! Mahabang istorya po, aabutin tayo ng isang buwan dito kung isasalaysay ko pa sa inyo ang buong buod nito (lalim nun a he-he).... Tagal na kasi akong kinukulit nito na magkita kami kaya lang palaging subsob sa trabaho at masyado akong nagpapakayaman kaya hindi ko tuloy sya napagbigyan he-he....! Joks lang....! Wala nga akong naiipon ngayon, dami ko kasing bills na binabayaran.... Balak ko pa naman sanang umuwi ng pinas on christmas day hu-hu.... Sana taasan naman nila ang sweldo ko kahit dalawang piso lang po plis....


Our meeting place pala was in front of Hungry Jack's in Parramatta City, dito ako nakatira.... Around 6 pm ng gabi last monday the 4th of august, malamig ang simoy ng hangin, umuulan, kumukulog, at kumikidlat.... Aw-aw-awoooo....! Parang horror movie he-he....! I told him that he won't miss me because i will be wearing my Trademark Cap and Jacket (TCJ) na kagaya ng nakikita nyo dyan suot ko sa taas, sa self portrait ko.... He said, he's currently studying at Parramatta University which is just few minutes walk from where i live kaya madali kaming nagkita kaagad....


Kneeko by the way is from Sibuyan Island sa pinas, magkatabi lang probinsya namin kaya magkapareho kami ng dialect nito.... Mas ayos kasi madalang masyado ang mga ilonggo dito sa downunder kaya tagal ko nang hindi nakakarinig dito ng salita namin, pwera na lang kung nakikipagkwentuhan ako kay AB sa phone.... Lalong nasanay tuloy ng katatagalog tong dila ko kaya nung umuwi ako last time sa pinas ay nabubulol at hirap akong maghalungkat ng mga terms sa salita namin....


Anyways, yun na nga nagkita kami ni Kneeko nung monday bandang 6:30 in the evening, kagagaling ko lang sa work nun.... Ang ganda rin ng atmosphere nun dun sa may meeting place namin at malapit pa sa shops.... Dito kasi sa Parramatta City, sa gabi ay parang yung sa streets of New York ba na mga scene na may mga nagba-busking sa kalye.... May mga tumutogtog ng saxophones, guitars, harps, flutes, etc at kung ano-ano pa sa gilid ng mga sidewalks kaya ang sarap tumambay dito sa gabi at makinig ng magagandang musika ng mga street performers....


Nagkasundo kaming dun na lang ako maghintay dahil way nya rin daw yun papuntang school nya kaya habang wala pa sila nung kasama nya ay nakuntento muna akong manood ng meditations nung mga members ng Chinese Falun Gong Practitioners sa may playground malapit sa may Hungry Jack's.... After about twenty minutes ay tinawagan nya ulit ako sa mobile ko tapos nakita ko syang kinawayan ako sa may di kalayuan.... Lumapit ako, nakipag-shake hands, at nakipagkwentuhan ng kunti with him and his friend na pinoy din pala.... At last, na-met ko rin si Kneeko, kahit medyo short encounter lang.... Niyaya ko silang kumain muna, sabi ko ako ang taya, kaya lang medyo nagmamadali yata sila nun dahil late na yata sila sa class nila sa Uni kaya medyo maikli lang kwentuhan namin....


At least, nagkakilala na kami.... He seems to be doing well with his job and schooling rin naman.... I'm so glad to have finally met Kneeko after a lot of failed attempts.... Magkape tayo minsan pre, para naman makapagkwentuhan tayo ulit ng medyo matagal-tagal, this is actually my very first time to meet a fellow blogger in person kaya astig ang feeling....! Ganun pala ang pakiramdam nun, alam mong kilala mo yung taong kausap mo pero nun mo lang sya nakita for the very first time ha-ha....! Sabi nya, ang tangkad ko raw pala.... I'm looking forward to meet him again, this time sabi nya isasama nya misis nya para raw makilala ko rin....


It's been a while since i last exchange words in my native tongue here, buti na lang hindi ako nabulol ulit he-he....! Hopefully, someday, i can also meet some of you guys in person.... Madami akong mga bloggers to meet in my list kaya lang palagi akong kinukontra nitong very hectic kong mga schedules kaya hindi matuloytuloy ang mga planong bakasyon back to pinas.... But, who knows one of these days when i come back to pinas for a visit, i might bump into one of yous sa kalye and malls dyan ha-ha....! =D

Sunday, August 03, 2008

Muntik na matigokok....


For the very first time in my life, i've experienced being involved in a car crash similar to that picture inset, and i'm telling you that it was not a pleasant experience at all, sobrang nakakatakot talaga....! Now i know how those people who had car accidents, have died or survived must have felt seconds before the impact.... At baka akala nyo rin siguro ay multo ko na lang tong nagbu-blogging ngayon dito, okay lang po ako, si Pepe pa rin po to in flesh he-he....! Kapag masamang damo raw, matagal mamatay kaya eto buhay na buhay pa rin po ako, matibay, at matagal mamatay he-he....!


Anyway, sa pagpapatuloy ko dito sa aking munting dula.... Last tuesday, July 29 of 2008, 5:55 ng hapon, ang hindi ko makalimutang araw.... Hindi sya ordinaryong araw kasi bumaba nun ang company owner para magpagawa ng prototype sa amin ni Cam (my vietnamese friend) kaya nag-OT kaming pareho ng mga kalahating oras.... He gave me a lift that day so i have to stay back with him as well 'til it's all done.... Hindi natapos pinapagawa sa amin kaya sabi nung owner, next day na lang daw namin tapusin yun....


Normally pagsumasakay ako sa kotse ni Cam, nagpapatugtog sya palagi ng music tapos sinasabayan namin ng kantahan at biruan, pero iba tong araw na'to.... Hindi sya nagsalang ng cd sa player, at wala rin kaming imikan habang nagbibyahe.... From work to my place kasi, takes around 15 to 20 minutes drive.... 15 kilometers distance, at sa 60 km/hr na takbo ng kotse ay talagang lumilipat at napakabilis namin.... Hindi kasi sanay si Cam magpatakbo ng mabagal, tapos kailangan nya pa palang abutang bukas ang restaurant na kinakainan nya ng dinner araw-araw....


Yun na nga, paspas takbo namin.... Singit dito, over-take dun, ng biglang tumigil ang mga kotse sa harap kaya wala nang time para magpreno pa kaya heto ngayon ang kotseng sinasakyan namin na parang nakai-slow motion pa sa pakiramdam ko papalapit sa likuran nung Volkswagen Beetle na dilaw sa harapan, at tanging pulang ilaw lang galing sa breaklight nung kotse sa harap ang naaalala ko dun sa initial approach at biglang napakalakas na SKREETCHH CRASHHH....!!!! Buti na lang kamo at naka-seatbelt kaming pareho dahil kung hindi ay humampas talaga kami dun sa salamin sa harap.... At sa laki ko ba namang to ay isang dangkal yata talaga ang ini-angat ng wetpu ko mula dun sa pagkaupo ko sa seat nung kotse bago ako hinatak muli nung seatbelt pabalik sa upuan....! At nakapagtatakang hindi rin gumana ang mga airbags nya....! Kaya kung ako kayo, wag na wag kayong mag-trust masyado na ililigtas kayo nung airbags.... Ingat talaga sa pagmamaneho ang magliligtas sa'yo at hindi ang safety features nung cars.... Advice ko yan, next time may bayad na he-he....!


Ganun pala feeling nun.... Wala ka halos iniisip, talagang blanko ang utak ko seconds before the impact at frozen lang sa upuan ko....! In split seconds after nung banggaan, nakalabas kami kaagad dun sa wreckage pero may second danger pa pala ulet....! Kailangan pa pala naming umalis kaagad dun sa gitna ng highway to the side of the road kasi baka hindi mapansin nung mga fast on-coming traffic ang banggaan at banggain ulit ang mga ito....! Pwede pala kaming maipit at mamatay dun sa gitna nung mga kotse kaya agad kong pinarahan ang padating na malaking truck dahil nakita kong nakatitig sa amin yung mamang driver at binagalan nya rin ang takbo nung truck.... In short, nakaabot kami safely dun sa safety zone, saka pa lang ako nakahinga ng maluwag hayyyy....!


Everything happened like a scene in a movie talaga....! Sino ba naman ang mag-aakalang makaka-survive kami dun sa 60 km/hr na car crash without a single scratch in our body....?! Nayugyog yata at naging halu-halu mga brain cells ko dun a....! Kaya ngayon, off si Cam for 2 weeks dahil pinapaayos nya kotse nya, plus babayaran ng insurance nya yung dalawang kotse sa harap na parehong wasak ang likuran at ride-off na sigurado yung Volkswagen na binangga namin dahil nasa likuran ang engine nun kaya siguradong wasak na wasak at hindi na pwedeng i-repair kaya dapat palitan na lang ng bago nung insurance company ni Cam....


Tinikitan pa nung pulis na dumating si Cam for $350, at bawas ng 3 points ang license nya for negligence.... Plus, babayaran nya rin pala yung service nung nag-respond na mga police for $1000 nakuw sakit sa ulo....! All in all, milyon in terms of peso ang value ng split second na yun....! Para tuloy binagsakan ng katakot-takot na hollow blocks ang mukha nung best plens ko doon....! Hindi ko rin tuloy napansin na masakit pala tong batok at right side ko, kaya sabi ko dun sa pulis nung tinanong kung nasaktan raw ba kami, ang sabi ko, "we're okay" at pabirong dagdag ko pa nga na, "probably we're made of steel officer".... Natawa lang yung pulis....! Dapat pala nag-claim din ako ng third party insurance dun para sa batok ko a he-he....! Joks lang, kawawa naman plens ko....! ....! =D


Anyway, importante buhay na buhay kami di ba....? Ang pera madaling kitain, pero ang buhay ay talagang iisa lang, pagtinamaan ka at natigokok ay yun na yun sa ayaw mo man o sa gusto....! One thing for sure, i'm still not ready to die yet, because probably i still have a lot of things to do in my life kaya ako nakaligtas dun.... I know that i'll get to that point one day, but at the moment not yet, i'm very sure of that he-he....! Nagka-trauma pa yata ako dun sa accident na yun a, kasi mula nung nangyari yun, everytime na makakakita ako ng breaklight ngayon ay nagugulat ako at napapapreno tong kanang paa ko ha-ha....! =D


Monday, July 28, 2008

Pasilipsilip....!

Hallu po....! Nagparamdam ulit si astig.... Kahapon ko pa sana balak na i-post tong entry na'to kaya lang sa hindi maipaliwanag na dahilan ay medyo hindi ko mabuksan tong blog ko dito sa pc ko sa bahay mula pa nung friday.... Baka kako may nagawa na naman siguro akong kung ano sa computer na to sa sobrang kakakalikot ko dito araw-araw....


Anyways, medyo busy pa rin po ako ngayon sa work dahil sa mga bagong assignments na naman na ipinatong sa balikat ko, kaya gustuhin ko man na dumalaw dito palagi para magpatalontalon sa mga pambihira at mga astig na mga blog nyo ay hindi ko pa rin pwedeng gawin sa ngayon.... Pero sisikapin ko pa rin na sagutin lahat ng mga dalaw at comments nyo dito kahit na medyo late na minsan.... Promise, magbabalik-blogging ulit ako as soon as possible.... Ingatz po sa lahat at wag po sana kayong magsasawang pumasyal dito paminsanminsan.... =D

Sunday, July 13, 2008

Houston, the Pope have landed....!



Got this Sharing the love badge from Redlan last week, salamat dito Red.... And since i don't have much time to hop-around to give and inform friends about this, i would like to share this to everyone instead who are visiting and willing to share this badge to some of their blog-friends as well.... As usual, palaging busy pa rin po ako kaya pasensya na kung hindi ako masyadong nakakapag-update ng mga entries ngayon.... . . .


By the way, to those who doesn't know yet, here's the latest talk of the town ngayon dito, the Pope Benedict XVI have already arrived here in downunder today few hours ago sakay ng Boeing 777 na papal-plane for the Catholic World Youth Day Celebrations that i think will open on tuesday.... Madami nang mga pilgrims ang dumating last week pa from different corners of the globe.... Teka, may corners ba ang mundo, bilog to di ba....? Mukhang inagahan lang muna nung iba para makapaggala sila ng kunti around downunder.... I was watching his arrival on tv today at nakita ko nga sya at andalidali ko rin sya na-notice kaagad dahil sya lang ang may suot na white robe dun sa crowd with matching nililipadlipad pa ng hangin ang cape he-he....! Kasama ang mga goons nya na naglakad patungo sa mga nakaparadang puting kotseng maghahatid sa kanya sa official papal-home kung san sya temporariling titira for the next weeks na stay nya dito....
Nagtataka lang ako kung bakit ni wala man lang masyadong hukos-pukos at ano mang seremonya ang pagdating nya dito.... Expected ko kasi may mga Aboriginal Dancing at kung anong cultural displays muna, hagis ng Bomerang dyan ay tugtog ng Didgeridoo dito, pero basta na lang sya kinaladkad nung mga men in black at mga mamang kalbong may platitong kulay pink sa ulo dun sa kotse pagkatapos ng kumustahan from the australian officials and priests at vaaroooom! lakad kaagad ang kotse nya....! At ang nakakatawa pa dun ay ang mga mukha nung naghintay ng matagal dun sa airport sa pagdating nya kanina na parang naengkanto at nagtataka sa sobrang bilis ng pangyayari ha-ha....! Alam ko naman na for security reasons lahat yun.... Parang yung scene sa Charlie Chaplin movies na naghahabulan, kaya sabi ko nga kulang na lang lagyan ng background music na kagaya dun sa Charlie Chaplin at ganung-ganun talaga ang labas ng scene kanina ha-ha....!


So for the next few days ay siguradong expected na ang mabagal na daloy ng traffic dahil redirected lahat ng mga routes na papuntang sydney, hopefully wag lang masyadong maapektuhan ang daan ko papuntang trabaho.... Dapat kasi nag-declare na lang sila ng public holiday na katulad nung last Apec Summit dito para naman makapag-blogging ulit ako.... Medyo matagaltagal kasi tong World Youth Day kaya siguro hindi nila ginawang public holiday....


Medyo tinganghali pala ako ng gising kanina.... May pinuntahan kasi akong birthday party kagabi at may nakilala akong mga greek nationals dun na bisita rin at nagbukas sila ng dalawang boteng red wine na napakatamis, singtamis ng honey kaya eto, medyo napalakas ako ng inom ha-ha....! Hindi ko lang maalala ang pangalan nun kaya kanina ko pa pilit niri-recall, balak ko kasing hanapin sa liquor shop minsan para ipatikim sa tatay ko next na balik ko sa pinas.... Sabi nung isang grego, mahal daw ang wine na yun, almost 50 dollars daw isang bote tsk tsk....! Isang pares na sapatos na yun a....! Subukan ko ngang hanapin minsan baka nagyayabang lang kasi gawang bansa daw nila yung wine na yun....


Anyway, sana maging successful ang celebrations ng World Youth Day at wag sanang masyadong maggagala si Pope Benedict sa bush dahil madami kaming dangerous wild animals dito sa downunder tulad ng Koala at Kangaroo, mga man-eating beasts he-he....! Joke lang....! =D